Saturday, July 19, 2008

awit ng pag-ibig XX

Awit ng Pag-ibig XX
Maisusulat ko ang pinakamalungkot na berso ngayong gabi
ni Pablo Neruda
sa salin ni Virgilio Almario

Maisusulat ko ang pinakamalungkot na berso ngayong gabi.

Maisusulat ko, halimbawa: "Mabituin ang gabi
at nanginginig, bughaw ang mga tala sa malayo."

Lumiligid sa langit ang simoy-gabi at umaawit.

Maisusulat ko ang pinakamalungkot na berso ngayong gabi.
Minahal ko siya, at minahal din niya ako paminsan-minsan.

Sa mga gabing ganito, ibinilanggo ko siya sa aking mga bisig.
Ulit-ulit ko siyang hinagkan sa lilim ng walang-hanggang langit.

Minahal niya ako, paminsan-minsan ko rin siyang minahal.
Sino ang hindi iibig sa kaniyang malalaki't mga matang tahimik?

Maisusulat ko ang pinakamalungkot na berso ngayong gabi.
Maiisip kasing hindi na siya akin. Madaramang wala na siya sa akin.

Maririnig ang gabing malawak, at mas lumalawak kung wala siya.
At pumapatak sa kaluluwa ang bersong tila hamog sa pastulan.

Maano kung hindi siya mabantayan ng aking pag-ibig.
Mabituin ang gabi at hindi siya kapiling.

Ito na ang lahat. May umaawit sa malayo. Sa malayo.
Hindi mapanatag ang kaluluwa ko sa pagkawala niya.

Upang waring ilapit siya, hinahanap siya ng aking mata.
Hinahanap siya ng aking puso, at hindi siya kapiling.

Ganito rin ang gabing nagpapusyaw sa ganito ring mga punongkahoy.
Kami, sa tagpong iyon, ang nagbago.

Hindi ko na siya mahal, natitiyak ko, ngunit minahal ko siya nang todo.
Hinahanap ng tinig ko ang simoy upang hipuin ang kaniyang pandinig.

Nasa iba. Siya'y nasa iba. Tulad noong katalik siya ng aking mga halik.
Ang kaniyang tinig, malinaw na katawan. Ang kaniyang matang walang-hanggan.

Hindi ko na siya mahal, natitiyak ko, ngunit baka mahal ko siya.
Napakaikli ng pag-ibig, napakahaba ng paglimot.

Dahil sa mga gabing ganito na ibinilanggo ko siya sa aking mga bisig
hindi mapanatag ang kaluluwa ko sa pagkawala niya.

Kahit ito na ang huling pighating ipapataw niya sa akin,
at ito ang huling mga bersong isusulat ko para sa kaniya.



"Puedo Escribir" ni Pablo Neruda salin ni Virgilio Almario

xxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxx
isang napakalungkot na gabi (muli)..hindi ko alam kung bakit..dahil ba sa mga nangyayari?.hindi ko rin alam..kung kanino ko man ialay ang tulang to, ako na lang ang nakakaalam nun..ayoko ng komplikasyon, ayoko ng muling pag-iyak, ayokong masaktan...

mag-isip ka..ano ba tlga?.ano na ba??.diba ang hirap sagutin..kung ikaw nalilito, ano pa kaya ako?.nalilito, nahihirapan, nasasaktan...

alam mo kung ano...ayaw mo lang isipin..parang ako lang..tinatakasan ko ang pag-iisip..gusto kong idaan sa tulog ang lahat para hindi ko maisip..kse pag inisip ko ulit, ang hirap sagutin ng mga tanong sa isip ko..

pero masaya ako..kung alam mo lang.masaya akong nasasaktan..masokista no?.pero ganun tlga..kaya naman hahayaan ko na lang..kung anuman ang mangyari, e di nangyari..wala naman akong hawak sa bagay na to..masaya ako (sa piling mo)...

No comments: